Isang hapon, nagkita si Pagong at si Kuneho sa daan. Biniro ni Kuneho si Pagong sa kanyang maliliit na paa na naging dahilan kung bakit napakabagal niyang maglakad.
Nainsulto si Pagong sa mga biro ni Kuneho. Sa kagustuhan ni Pagong na patunayang mali si Kuneho sa kanyang mga paratang, hinamon niya si Kuneho at nagsabing, "Kung gusto mong subukin ang aking kakayahan, bakit hindi natin daanin sa isang paligsahan. Maaaring mabilis ka subalit malakas naman ang aking resistensya," ang hamon ni Pagong.
"Anong paligsahan ang nais mo?" tanong ni Kuneho.
"Kung gusto mo ay unahan na lang tayong makarating sa tuktok ng ikatlong bundok," sagot ni Pagong.
Nagalak si Kuneho sa hamon ni Pagong. Tiwala sa sariling magagapi niya si Pagong sa paligsahan.
Bawat isa sa kanila ay nangumbida ng kanilang mga kaibigan upang saksihan ang kagila-gilalas na paligsahan.
Kinabukasan, umagang-umaga, marami ang nagsidalo. Dumating ang kalabaw na minsan na ring nakalaban ni Pagong, ang kabayo, baboy, palaka, bibe, manok, aso, pusa, kambing, baka, pato, lawin, usa, baboy ramo at marami pang iba. Hindi, magkamayaw ang mga hayop sa kasiyahan. Noon lang sila makakapanood ng ganoong klaseng labanan.
Ang unggoy ang nagbigay-hudyat ng pasimula ng paligsahan.
Sa pasimula pa lang ay naiwan na nang malayo si Pagong. Halos hindi na makita ni Kuneho si Pagong dahil sa kalayuan ng kanilang pagitan.
Narating ni Kuneho ang tuktok ng ikalawang bundok. Hindi na niya matanaw si Pagong.
"Ah, mabuti pa ay mamahinga muna ako. Malayo pa naman si pagong. Napakalayo ng agwat naming dalawa." ang sabi ni Kuneho sa kanyang sarili.
Naupo si Kuneho sa ilalim ng isang puno. Nang dahil sa kapaguran, hindi niya namalayang siya ay naidlip.
Samantala, si Pagong ay nakarating sa tuktok ng ikalawang bundok nang magtatanghali. Inabutan pa niya si Kunehong naghihilik. Himbing na himbing si Kuneho. Dala marahil ng kanyang kapaguran.
Magdadapit-hapon na nang matanaw ni Pagong ang rurok ng ikatlong bundok. Malapit na siya.
Noon palang nagising si Kuneho. Tinanaw niya ang ibaba ng bundok sa pag-aakalang nandoon pa rin si Pagong subalit wala pa rin. Sinimulan na niya muling tumakbo. Takbong walang pahinga. Laking gulat niya ng abutan niya si Pagong sa ituktok ng ikatlong bundok na namamahinga na. Hiyawan ang lahat ng hayop. Lahat sila ay bumati kay Pagong.
Si Kuneho naman ay hiyang-hiya sa pangyayari. Humingi siya ng paumanhin kay Pagong sa ginawa niyang pang-iinsulto. Simula noon ay nagging halimbawa na ng mga hayop na hindi dapat maliitin ang kanilang kapwa.
Anong Aral ang inyong napulot sa kuwentong ito?
No comments:
Post a Comment