Tuesday, 29 October 2013

Bugtong 132

Ang ulo’y nalalaga
ang katawa’y pagala-gala.

Sagot: Sandok

Bugtong 131

Hindi naman hari, hindi naman pare,
nagsusuot ng sarisari.

Sagot: Sampayan

Bugtong 130

Aling mabuting retrato
ang kuhang-kuha sa mukha mo?

Sagot: Salamin (mirror)

Bugtong 129

Bagama't nakatakip,
ay naisisilip.

Sagot: Salamin ng mata

Bugtong 128

Sapagkat lahat na ay nakahihipo;
walang kasindumi't walang kasimbaho;
bakit mahal nati't ipinakatatago.

Sagot: Salapi (pera)

Bugtong 127

Dahong pinagdahunan,
bungang pinagdahunan
.
Sagot: Pinya

Bugtong 126

Isang dalagang may korona,
kahit saan ay may mata.

Sagot: Pinya

Bugtong 125

Isang dalagang marikit,
nakaupo sa tinik.

Sagot: Pinya

Bugtong 124

Isang magandang senyora,
ligid na ligid ng espada.

Sagot: Pinya

Bugtong 123

Aling talbos ang bumunga
at aling bunga ang tumalbos.

Sagot: Pinya

Bugtong 122

Aling bunga ang palibot ng mata?
Sagot: Pinya

Bugtong 121

Di makita ay kalapit,
kaya laging sinisilip

Sagot: Pilikmata

Bugtong 120

Hinila ko ang tadyang,
lumapad ang tiyan.

Sagot: Payong

Bugtong 119

Bahay ng kapre,
iisa ang haligi.

Sagot: Payong

Bugtong 118

Isdang inasinan, nalusaw sa taguan;
pinakinabangan, ginawang sawsawan.

Sagot: Patis

Bugtong 117

Kung malayo ay babae,
kung malapit ay lalaki.

Sagot: Pare/Pari

Bugtong 116

Noong malinis ay hinahamak,
nang magkaguhit ay kinausap.

Sagot: Papel

Bugtong 115

Ang katawan ay bala,
ang bituka'y paminta.

Sagot: Papaya

Bugtong 114

Bahay ni Ka Gomez,
punung-puno ng perdigones.

Sagot: Papaya

Bugtong 113

Bahay ko sa Pandakan,
malapad ang harapan.

Sagot: Pantalan

Bugtong 112

Lumalakad, lumuluha,
nag-iiwan ng balita.

Sagot: Panitik, Bolpen o Lapis

Bugtong 111

Hindi naman bulag
di makakita sa liwanag.

Sagot: Paniki

Bugtong 110

Sa araw nahimhimbing
at sa gabi ay gising.

Sagot: Paniki

Bugtong 109

Sariling-sarili mo na,
ginagamit pa ng iba.

Sagot: Pangalan

Bugtong 108

May ulo'y walang mukha,
may katawa'y walang sikmura.
Namamahay ng sadya.

Sagot: Palito Ng Posporo

Bugtong 107

Di man isda, di naman itik,
nakahuhuni kung ibig,
maging sa kati maging sa tubig,
ang huni'y nakakabuwisit.

Sagot: Palaka

Bugtong 106

Narito na si kaka, 
sunong sunong ang dampa.
Sagot: Pagong

Bugtong 105

Dalawang magkaibigan,
habulan nang habulan.

Sagot: Paa

Bugtong 104

Maliit at malaki,
iisa ang sinabi.

sagot: Orasan O Relo

Bugtong 103

Hindi hayop hindi tao,
tanungan ng buong mundo.

Sagot: Orasan O Relo

Bugtong 102

Walang hininga ay may buhay,
walang paa ay may kamay
mabilog na parang buwan,
ang mukha'y may bilang.

Sagot: Orasan O Relo

Bugtong 101

Bahay ni Kaka,
hindi matingala.

Sagot: Noo

Bugtong 100

Nagpupuno'y hindi sinisidlan,
nakukulanga'y di binabawasan.

Sagot: Niyog

Bugtong 99

Tubig sa angaw-angaw,
hindi madapuan ng langaw.

Sagot: Niyog

Bugtong 98

Tubig sa ining-ining,
di mahipan ng hangin.

Sagot: Niyog

Bugtong 97

Heto na si amain,
nagbibili ng hangin.

Sagot: Musikero

Bugtong 96

Nakakulubong ay walang ulo,
kinatatakutan ng mga tao
 Sagot: Multo

Bugtong 95

Hindi akin, hindi iyo,
ari ng lahat ng tao.

Sagot: Mundo

Bugtong 94

Ang mukha'y parang tao,
magaling lumukso.

Sagot: Matsing

Bugtong 93

Dalawang batong maitim,
malayo ang nararating.

Sagot: Mata

Bugtong 92

Dalawang bolang sinulid,
abot hanggang langit.

Sagot: Mata

Bugtong 91

Pusong bibitin-bitin,
mabangong parang hasmin,
masarap kanin.

Sagot: Mangga

Bugtong 90

Isang pamalo-palo,
libot na libot ng ginto.

Sagot: Mais

Bugtong 89

Nahihiya, walang kinahihiyaan.
Sagot: Makahiya

Bugtong 88

Mayroon akong gatang,
hindi ko matingnan.

Sagot: Leeg

Bugtong 87

Aso kong si puti,
inutusan ko'y
hindi na umuwi.

Sagot: Laway

Bugtong 86

Naghain si Lolo,
unang dumulog ang tukso.

Sagot: Langaw

Bugtong 85

Maliit pa si Tsikito,
marunong nang manukso.

Sagot: Lamok

Bugtong 84

Kung kailan tahimik
saka nambubuwisit

Sagot: Lamok

Bugtong 83

Butas na tinagpian ng
kapuwa butas.

Sagot: Lambat

Bugtong 82

Itulak at hilahin,
sigurado ang kain.

Sagot: Lagari

Saturday, 26 October 2013

Bugtong 81

Limang mag kakapatid,
tig-tig-isa ng silid.

Sagot: Kuko

Bugtong 80

Naabot na ng kamay,
iginawa pa ng tulay.

Sagot: Kubyertos

Bugtong 79

Dalawang mag kaibigan,
lakad ay walang humpay,
wala naming patutunguhan.

Sagot: Kamay ng orasan

Bugtong 78

Putukan nang putukan,
hindi nag kakarinigan.

Sagot: Kampana

Bugtong 77

Bugtong kong sapin sapin,
Nakasabit, nakabitin,
Araw araw kung bilangin,
Isang taon kung tapusin.

Sagot: Kalendaryo

Bugtong 76

Araw araw bagong buhay,
Taun-taon namamatay.

Sagot: Kalendaryo

Bugtong 75

Ang ina’y gumagapang pa,
Ang anak ay umuupo na.

Sagot: Kalabasa

Bugtong 74

Bugtong-bugtong,
Magkakarugtong.

Sagot: Kadena

Bugtong 73

Kweba ng senyora,
binuksa’y di naisara.

Sagot: Itlog

Bugtong 72

Bahay ni Kiko, 
walang bintana, 
walang pinto.

Sagot: Itlog

Bugtong 71

Dalawang libing,
laging may hangin.

Sagot: Ilong

Bugtong 70

Dalawang ibong marikit,
nagtitimbangan ng siit.

Sagot: Hikaw

Bugtong 69

Karga ng karga; walang renta.
Sagot: Haligi

Bugtong 68

Dalawang katawan,
tagusan ang tadyang.

Sagot: Hagdanan

Bugtong 67

Kung nakahiga’y patagilid,
kung nakatayo’y patiwarik.

Sagot: Gulok o itak

Bugtong 66

Takbo roon, takbo rito,
hindi makaalis sa tayong ito.

Sagot: Duyan

Bugtong 65

Limang punong niyog,
iisa ang matayog.  
Sagot: Daliri

Bugtong 64

Naligo ang senyora,
hindi nabasa ang saya.

Sagot: Dahon ng gabi

Bugtong 63

Isang pinggan, laganap
Sa buong bayan.

Sagot: Buwan

Bugtong 62

Maitim na parang alkitran,
Pumuputi kahit hindi labhan.

Sagot: Buhok

Bugtong 62

Heto na si lulong,
Bubulong bulong
.
Sagot: Bubuyog

Bugtong 61

Kung di pa sa liig pinigilan,
Di pa ako bibigyan.

Sagot: Bote

Bugtong 60

Pinakain ko nang pinakain,
Pagkatapos ay ibinitin.

Sagot: Bingwit

Bugtong 59

Isang balong malalim,
Punong-puno ng patalim.

Sagot: Bibig

Bugtong 58

Buhay na hindi kumikibo,
Patay na hindi bumabaho.

Sagot: Bato

Bugtong 57

Isang biyas ng kawayan,
Ang laman ay kamatayan.

Sagot: Baril

Bugtong 56

Manok kong pula,
Inutusan ko ng umaga,
Nang umuwi’y gabi na.

Sagot: Araw

Bugtong 55

Heto , heto na,
Malayo pa’y humahalakhak na.

Sagot: Alon

Bugtong 54

Bahay ni kahuli,
Haligi’y bali-bali,
Ang bubong ay kawali.

Sagot: Alimango

Bugtong 53

Isang biyas ng kawayan,
Maraming lamang kayamanan.

Sagot: Alkansiya

Bugtong 52

Walang bibig, walang pakpak,
Kahit hari’y kinakausap.

Sagot:Aklat

Bugtong 51

Hindi akin, hindi iyo,
ari ng lahat ng tao.

Sagot: Mundo

Bugtong 50

Hiyas akong mabilog,
sa daliri isinusuot:

Sagot: Singsing

Bugtong 49

Kung tawagin nila’y “santo”
hindi naman milagroso.

Sagot: Santol

Bugtong 48

Hindi naman hari, hindi naman pare,
nagsusuot ng sarisari.

Sagot: Sampayan

Bugtong 47

Bagama't nakatakip,
ay naisisilip.

Sagot: Salamin ng mata

Bugtong 46


Bulaklak muna ang dapat gawin,
bago mo ito kainin

Sagot: SAGING

Sunday, 20 October 2013

PABULA: Ang Aso at ang Uwak



May ibong uwak na nakakita ng karne na nakabilad sa araw.

Tinangay niya ito at lumipad nang malayo.

Sa dulo ng sanga ng isang puno, sinimulan niyang kainin ang karne.

Ngunit narinig niya ang malakas na boses ng isang aso na nagsabi:

"Sa lahat ng ibon, ang uwak ang pinaka-magaling. Walang kakumpara!" 

Natuwa ang uwak at binukas ang bibig para humalakhak. Ang nangyari ay nalaglag ang karne mula sa kanyang bibig. Nahulog ito sa lupa kung saan kaagad sinunggaban ng aso. Ngayon alam na natin na ang papuri ay maaaring uri ng panloloko rin.

Aral: Isang papuri minsan ay isang paglilinlang.

Saturday, 19 October 2013

PABULA: Ang Pabula ng Daga at ng Leon




Isang daga ang nakatuwaang maglaro sa ibabaw ng isang natutulog na leon. Kanyang inaakyat ang likuran ng leon at pagdating sa itaas ay nagpapadausdos siya paibaba.

Sa katuwaan ay di niya napansin na nagising ang leon. Dinakma ng leon ang daga at hinawakan sa buntot na wari bagang balak siyang isubo at kainin. Natakot at nagmakaawa ang daga.

"Ipagpaumanhin mo kaibigan. Hindi ko sinasadyang gambalain ka sa pagtulog mo. Wala akong masamang hangarin. Nakatuwaan ko lang na maglaro sa iyong likuran. Huwag mo akong kainin" sabi ng daga.

Nabakas ng leon sa mukha ng daga ang tunay na pagmamakaawa.

"Sige, pakakawalan kita pero sa susunod ay huwag mong gambalain ang pagtulog ko," sabi ng leon.

"Salamat kaibigan. Balang araw ay makagaganti rin ako sa kabutihan mo, " sagot ng daga.

Lumipas ang maraming araw at minsan sa pamamasyal ng daga sa kagubatan ay kanyang napansin ang isang lambat na nakabitin sa puno. Lumapit siya upang mag-usisa at agad niyang nakilala ang leon na nahuli sa loob ng lambat na ginawang bitag ng mga nangagaso sa kagubatan.

Dali-daling inakyat ng daga ang puno at nginatngat ang lubid na nakatali sa lambat. Agad namang naputol ang lubid at bumagsak ang lambat kasama ang leon sa loob. Mabilis na bumaba ang daga at tinulungan ang leon na nakawala sa lambat.

"Utang ko sa iyo ang aking buhay," laking pasasalamat na sabi ng leon sa kaibigang daga.


Mga aral ng pabula:



  • Ang paghingi ng paumanhin sa kapwa ay sinusuklian ng pang-unawa.
  • Ang pag-unawa sa kapwa ay humahantong sa mabuting pagkakaibigan.
  • Huwag maliitin ang kakayahan ng iyong kapwa. Hamak man ang isang tao ay maaari siyang makatulong ng malaki o makagawa ng bagay na lubhang makabuluhan.



Friday, 18 October 2013

PABULA: Ang Kabayo at ang Kalabaw





Isang magsasaka ang nais manirahan sa ibang bayan kaya isang araw ay inipon niya ang kanyang mga gamit at inilulan sa kanyang alagang kabayo at kalabaw. Maaga pa ay sinimulan na nila ang mahabang paglalakbay.

Makaraan ang ilang oras ay nakaramdam ng matinding pagod at pang- hihina ang kalabaw dahil sa bigat ng kanyang pasang gamit.

"Kaibigang kabayo, di hamak na mas mabigat ang pasan kong gamit keysa sa iyo. Maaari bang tulungan mo ako at pasanin mo yung iba?" pakiusap ng kalabaw.

"Aba, yan ang ipinataw sa iyong balikat ng ating amo kaya pagtiisan mo," anang kabayo na lalo pang binilisan ang paglalakad.

"Parang awa mo na tulungan mo ako. Di ko na kakayanin ang bigat ng dala ko. Nanghihina ako. Alam mo namang kailangan kong magpalamig sa ilog kapag ganito katindi ang init ng araw dahil madaling mag-init ang katawan ko," pakiusap pa rin ng kalabaw.

"Bahala ka sa buhay mo," naiinis na sagot ng kabayo.

Makaraan pa ang isang oras at lalung tumindi ang init ng araw. Hindi nagtagal at ang kalabaw ay iginupo ng bigat ng kanyang dala at siya ay pumanaw.

Nang makita ng magsasaka ang nagyari ay kinuha niya ang lahat ng gamit na pasan ng kalabaw at inilipat sa kabayo na bahagya namang makalakad dahil sa naging napakabigat ng kanyang mga dalahin.

"Kung tinulungan ko sana si kasamang kalabaw ay hindi naging ganito kabigat ang pasan ko ngayon," may pagsisising bulong ng kabayo sa kanyang sarili.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Translate