Saturday, 8 August 2015

Ano ang Bugtong?



Ang bugtong, pahulaan, o patuturan ay isang pangungusap o tanong na may doble o nakatagong kahulugan na nilulutas bilang isang palaisipan (tinatawag ding palaisipan ang bugtong).[1] May dalawang uri ang bugtong: mga talinghaga (o enigma, bagaman tinatawag ding enigma ang bugtong), mga suliraning ipinapahayag sa isang metapora o ma-alegoryang wika na nangangailangan ng katalinuhan at maingat na pagninilay-nilay para sa kalutasan, at mga palaisipan (o konumdrum), mga tanong na umaaasa sa dulot ng patudyong gamit sa tanong o sa sagot. Sa panitikang Pilipino, nilalarawan nito ang pag-uugali, kaisipan, pang-araw-araw na buhay at katutubong paligid ng mga Pilipino. Bilang isang maikling tula, madalas itong nagiging isang palaisipan sa tuwing naglalaro ang mga bata.

Ano ang Pabula?



Ang karaniwang pabula ay kuwento kung saan mga hayop ang gumaganap at ang mga hayop na ito ay kumikilos at nagsasalita na tulad ng tao. 

Madalas na inilalarawan ng pabula ang dalawang hayop na may magkaibang ugali at nagwawakas ang kuwento na nagwawagi ang may mabuting ugali. Nag-iiwan ito ng aral sa mambabasa. 

Ang pabula ay tumutukoy sa pang-araw-araw na buhay sa daigdig (maliban sa pagsasalita ng mga hayop). Sa pabula, ang mga suliranin ay nilulutas hindi ng mga kababalaghan, na tulad ng mga kuwentong engkantada, kundi sa pamamagitan ng mapanusong paraan, paghahanda, o sa pamamagitan ng matalinong gawa na katulad ng tao sa kanilang paglutas ng suliranin. 

Halimbawa sa pabulang “Ang Aso at ang Uwak”, nakuha ng aso ang karne sa pamamagitan ng pagpuri sa uwak.

Sa pabulang “Ang Kuneho at Pagong”,  naunahan ng pagong ang kuneho dahil sa kanyang matiyaga at patuloy na paglalakad. 

Sa pabulang “Ang Matalinong Pagong at Hangal na Matsing”, napaglalangan ng pagong ang matsing nang magkunwari siya na ayaw na ayaw niya sa tubig.

Ang mga aral sa mga pabula ay naging bahagi ng ating pang-araw-araw na pakikipag-usap tulad ng “Matalino man ang matsing”, “Huwag bibilangin ang itlog,” at “Balat man ay malinamnam”. 

Ngunit hindi naman lahat ng pabula ang pangunahing gumaganap ay hayop. Mayroon ding pabula kung saan ang gumaganap ay tao katulad ng “Ang Batang Sumigaw ng Lobo” at “Ang Babaing Maggagatas” o magkahalong hayop at tao na katulad ng “Ang Mabait at Masungit na Buwaya”.


Ipinalalagay na nagsimula ang pabula kay Esopo, isang aliping Griyego, sa taong 400 B.C. Siya ay pangit, tuso at matalino ngunit sa kanyang kahusayan sa pagkukuwento ng pabula, siya’y pinalaya at nagkaroon ng tungkulin.

Ano ang Alamat


Ang mga alamat ay kawili-wiling basahin lalo't mahusay ang pagkakasulat. Isa sa mga paksang malimit pagbatayan ng mga alamat ay ang paglalang sa daigdig at ang pinagmulan ng mga unang tao sa ibabaw ng lupa. Ang lahat ng bansa halos ay may alamat ukol diyan. Iba't ibang paraan ang hinabihabi sa guniguni ng mga nagsisisulat at nagsisikatha ng mga alamat upang maging kawili-wili ang kanilang pagsasalaysay.

Karaniwan sa mga alamat ay hindi nasusulat o kung nasusulat ma'y nito na lamang mga huling panahon napatitik. Mga salaysay na nagpasalin-salin sa mga bibig ng mga magulang at mga anak ng mga nuno at mga apo ang marami sa mga alamat na ating pinananabikang basahin ngayon. Sa bawa't pagkasalin sa bawa't bibig na pagdaanan, ang isang alamat ay karaniwan nang nadaragdagan ng kariktan, palibahasa ang bawa't isa'y nagpapasok ng inaakala niyang lalo pang pampaganda sa kanyang kuwento.

Ang alamat ay kuwento tungkol sa pinanggalingan ng isang bagay. Karaniwan sa mga alamat ay kawili-wiling basahin lalo't mahusay ang pagkakasulat, nguni't huwag nating kalilimutan na ang alamat ay kathang -isip o gawa-gawa lamang.
Sinasabng ang tao, sa paghahanap ng katotohanan sa maraming katanungang walang kasagutan kung paano at kung saan nagmula ang ganito at gayang bagay, ay nagsikap na gamitin o pairalin na lamang ang imahinasyon o guni-guni upang kumtha ng kuwento tungkol sa pinagmulan ng isang bagay-maaring ito'y tungkol sa hayop, halaman o pook.

Ang Alamat ng Binangonan


Ang bayan ng Binangonan ay nasa dakong silangan ng Laguna de Bay. Ang dagat na ito ay nasa pagitan ng mga lalawigan ng Rizal at Laguna.
Noong una, ang mga nakatira sa bayan ng Binangonan ay pawang magkakamaganak. Sila ay madasalin at palasimba. Uso sa kanila ang bayanihan, nagtutulungan sila at nag dadamayan sa oras ng kaginhawahan at kalungkutan.

Ang pista rito ay ipinagdiriwang nang husto taun-taon. Bisperas pa lamang ay maligaya na sa paghahanda at pagluluto ang mga tao.

Subalit ang lahat ng paghahandang ito ay nawalan ng saysay dahil sa isang napakalakas na bagyo ang dumating sa bayan. Marami ang nasaktan at mga napinsalang kabuhayan. Marami rin ang ipinadpad doon ng malaking alon. Isa narito ang isang lalaki.

Pinulsuhan ng isang albularyo ang lalaki. Inakala nilang patay na ito at hindi na humihinga. Patuloy paring menamasahe ito ng albularyo. Diniinan ang likod upang lumabas ang nainom na tubig. Patuloy ang albularyo hanggang sa ilang saglit ay huminga, kumilos at nagpilit bumangon ang inaakala nilang patay na.

"Sa ayos ng pantalon at mga kasuotan niya ay hindi basta mangingisda lamang iyan. Tulungan at dalhin sa amin," ang sabi ng alkalde ng bayan.

Mabilis na kumalat ang balita sa nayon at sa karatig-pook tungkol sa "bumangon ang patay." At magmula noon, ang baybay-dagat na iyon ay tinawag na "binangunan ng patay."

Ayaw magsalita ng patay na nabuhay kaya't inakala ng lahat na ito ay pipi. Malinis at masipag ang "pipi" kaya't pinagkatiwalaan na ito ng alkalde hanggang sa opisina ng munisipyo. Maging sa anak na dalaga ng alkalde ay napalapit ang binata. Si Diaga, ang anak ng alkalde ay nagingg kasintahan ni "pipi."

Natuklasan ni Diega na hindi pala talaga pipi ang binata. Isagani ang pangalan niya. Pinag-aaral pala siya ng isang pari sa Maynila. Naglayas siya dahil pinagbintangang nagnakaw ng iba't ibang bagay. Nanuluyan siya sa kanyang kaibigan sa Patoros.

"Isang araw, ako ay namangka upang mapawi ang aking sama ng loob. Noon lamang ako namangka ng nag-iisa. Sa laot ay inabutan ako ng malakas na hangin. Inanod ako sa malayo. Lumaki ang alon at ang bangka ay lumubog sa tubig. Pinilit kong kumapit sa bangka nguni't sa sobrang pagod ay nawalan ako ng malay-tao, ang malungkot na salaysay ni Isagani.

"Kawawa ka naman pala ang wika ng nahahabag na dalaga. Lalong nagkalapit ang dalawa at naipasiya nilang magtanan upang matupad ang kanilang mga pangarap. Sa kabilugan ng buwan, dahan-dahan silang nanaog at sa tabing dagat sila dumaan. Sa kasamaang palad ay nasalubong sila ng alkalde na nagpapahangin pala sa pook na iyon. Napansin ng alkalde na sila ay magtatanan. Sa galit kay Isagani ay nasaktan niya ito nang malubha at namatay. Nabigla ang alkalde. Tumakas siya at naiwan ang luhaang dalaga sa tabi ng bangkay ni isagani. Sa sama ng loob ay nagpakamatay ang dalaga sa tabi ni Isagani.

Kinabukasan ay natagpuan na lamang ng mga tao ang dalawang bangkay doon mismo sa pook na binangunan ni Isagani. Doon na rin sa lugar na pinagbangunan inilibing ang mga bangkay. Magmula noon ang pook na iyon ay tinawag na Binangonan.

Alamat ng Antipolo


Sabi ng matatanda, ang mga magsasakang naninirahan sa kapatagan noong pahahon ng Kastila ay nagsilipat sa kabundukan upang makaiwas sa kalupita ng mga dayuhan. Sa kagubatan na sila namalagi para huwag masangkot sa kaguluhang nagaganap sa bayan. Ang patuloy na paghihimagsikan ay lalong nagpagalit sa mga Kastila. Umisip sila ng paraang maka-paghiganti. Maraming walang malay na Pilipino ang kanilang pinag-bintangang kasapi ng Katipunan at ipiniit sa madilim na karsel.

Nabalitaan ng mga naninirahan sa bundok ang gagawing paglusob ng mga guardia sibil sa kanilang lugar at sila ay natakot. Araw-gabi ang nangangambang mga kababaihan ay walang tigil sa pagdarasal upang sila ay iadya sa panganib na darating.

Hanggang isang araw, umakyat na nga sa bundok ang mga Kastila. Nakarating sila sa lugar na kung saan nagkakatipon-tipon ang mga nagdarasal. Sa pagtataka ng lahat ay biglang nagningning ang punong TIPOLO. Kaginsa-ginsa ay lumitaw ang Birheng Concepcion sa itaas ng puno. Palibhasa'y mga relihiyoso ang mga dayuhang ito, sila ay nahintakutan at nagsisi.

Marami ang nakakita sa pagmimilagrong iyong ng Birhen. Sila ay nagpasalamat sa saklolong ibinigay nito. Angmasamang balak ng mga Kastila ay hindi na natuloy, bagkus sila ay nanganakong ang pook na yaon ay kanilang igagalang. Masaya nilang ipinamalita sa kapwa nila Kastila ang nakitang pagmimilagro.

"Saang lugar iyon at kami man ay pupunta roon", tanong ng mananampalataya.

"Sa bundok. Itanong ninyo kung saan ang Tipolo at ituturo nila sa inyo." ang kanilang sagot.

Dahil sa paulit-ulit na pagtatanong ng mga taong doon ay dumarayo ng "Saan ang Tipolo?" tinawag nilang SANTIPOLO ang pook na ito na kalaunan ay naging ANTIPOLO.

Buhat noon, nakagawian na ng lahat, mahirap man o mayaman, ang pamamanata sa mataas na bundok na ito ng ANTIPOLO lalo na sa panahon ng Mahal na Araw.
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Translate