Saturday, 8 August 2015

Ano ang Pabula?



Ang karaniwang pabula ay kuwento kung saan mga hayop ang gumaganap at ang mga hayop na ito ay kumikilos at nagsasalita na tulad ng tao. 

Madalas na inilalarawan ng pabula ang dalawang hayop na may magkaibang ugali at nagwawakas ang kuwento na nagwawagi ang may mabuting ugali. Nag-iiwan ito ng aral sa mambabasa. 

Ang pabula ay tumutukoy sa pang-araw-araw na buhay sa daigdig (maliban sa pagsasalita ng mga hayop). Sa pabula, ang mga suliranin ay nilulutas hindi ng mga kababalaghan, na tulad ng mga kuwentong engkantada, kundi sa pamamagitan ng mapanusong paraan, paghahanda, o sa pamamagitan ng matalinong gawa na katulad ng tao sa kanilang paglutas ng suliranin. 

Halimbawa sa pabulang “Ang Aso at ang Uwak”, nakuha ng aso ang karne sa pamamagitan ng pagpuri sa uwak.

Sa pabulang “Ang Kuneho at Pagong”,  naunahan ng pagong ang kuneho dahil sa kanyang matiyaga at patuloy na paglalakad. 

Sa pabulang “Ang Matalinong Pagong at Hangal na Matsing”, napaglalangan ng pagong ang matsing nang magkunwari siya na ayaw na ayaw niya sa tubig.

Ang mga aral sa mga pabula ay naging bahagi ng ating pang-araw-araw na pakikipag-usap tulad ng “Matalino man ang matsing”, “Huwag bibilangin ang itlog,” at “Balat man ay malinamnam”. 

Ngunit hindi naman lahat ng pabula ang pangunahing gumaganap ay hayop. Mayroon ding pabula kung saan ang gumaganap ay tao katulad ng “Ang Batang Sumigaw ng Lobo” at “Ang Babaing Maggagatas” o magkahalong hayop at tao na katulad ng “Ang Mabait at Masungit na Buwaya”.


Ipinalalagay na nagsimula ang pabula kay Esopo, isang aliping Griyego, sa taong 400 B.C. Siya ay pangit, tuso at matalino ngunit sa kanyang kahusayan sa pagkukuwento ng pabula, siya’y pinalaya at nagkaroon ng tungkulin.

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Translate