Si Gat Pulintan ang kinikilalang hari ng makapangyarihang balangay ng Kumintang. Kumintang ang itinawag sa balangay na yaon pagka't ang mga binata't dalaga roo'y laging umaawit ng kundimang ganyan ang pamagat. Tulad ng mga binata't dalaga, ang mga impo at lolo ay umaawit din niyan sa pagpapatulog ng kanilang mga apo. Ginagamit din ito ng mga magulang na panghele sa kanilang mga bunso.
Si Gat Pulintan ay may isang anak, si Marikit. Napabilang sa kanyang mga tagahanga si Batumbakal ng balangay ng Taal sa talpukan ng Lawang Bumbon.
Ang Kumintang ay masagana, maligaya at walang kinikilalang panginoong dayuhan. Ang lahat ng sakop ni Gat Pulintan ay di nakakakilala ng gutom pagka't ang kanilang mga gubat ay sagana sa baboy-ramo, usa, at mga ligaw na hayop. Ang mga batis ay mayaman sa mga isda at hipon at ang malawak na kabukira'y hitik sa hinog na palay. Sa kumintang ay walang magnanakaw, walang mapagsamantala. Anupa't ang balangay na ito ay payapa, tulad ng isang "Utopia" pagka't ang hari ay iginagalang at mapagpasunod.
Samantalang namumuhay sa kasaganaan at kapayapaan ang mga maharlika, pati ang mga aliping kahit na kampon ay maligaya rin. Siya namang pagdaong ng mga Kastila na pinangunguluhan nina Padre Selga at Kapitan Cortes.
"Sa ngalan ng pananampalataya ay ipinagbibigay-alam ko na nais naming sakupin ang inyong balangay sa kautusan ng Haring Felipe ng Espanya. Aming palalaganapin dito ang pagsamba sa Krus upang yakapin ninyo ang bagong relihiyon," ani Padre Selga.
Si Gat Pulintan ay sumagot, "Mahal na Pari, ang sinasamba nami'y ang mga anito, ang kaluluwa ng aming mga nuno. Hindi namin mayayakap ang bagong relihiyon pagka't iya'y sinsay sa aming kaugalian."
Sa sagot na ito, si Kapitan Cortes ay nasuklam. Inisip niyang nang sandali ring iyo'y lusubin ng kanyang mga kawal ang moog ni Gat Pulintan, nguni't nang makita ang himalang ganda ni Marikit, siya'y huminahon. Nabatubalani ang kanyang malupit na puso.
Samantalang si Padre Selga't ang mga kawal ay nagliliwaliw sa magagandang tanawin sa pook na yaon, si Kapitan Cortes nama'y nagsadya kina Marikit.
"Mutyang Marikit, iniibig kita," ang simula ni Kapitan Cortes. "Ikaw ang sulo ng aking buhay. Inihahandog ko sa iyo ang lahat - kayamanan, karangalan at buong daigdig."
Ito'y sinagot ni Marikit: "Salamat po sa inyong taglay na paghanga sa akin. Akin pong ikinalulungkot na ipagtapat sa inyo na may nag-aangkin na ng aking puso."
"Sino ang pinagsanglaan mo ng iyong pag-ibig?"
"Ang mapalad na lalaking iya'y si Batumbakal."
"Di yata't hindi mo tatanggapin ang aking pagmamahal? Ang kasuyo mo ay iyong limutin."
"Hindi ko po malilimot ang aking kasintahan hanggang kamatayan."
"Kung gayon ay humanda ka. Kita'y aagawin. Ako ay makapangyarihan. Libu-libo ang mga kawal kong lulusob sa kaharian ng iyong ama." Nagmadaling umalis si Kapitan Cortes na ang puso'y may tinik ng pagkabigo at sa mukha'y nalalarawan ang bulkan ng paghihiganti.
Nang makalisan ang mga dayuhan ay siya namang pagdating ni Batumbakal na galing sa pangangaso. Inihandog ng kanyang mga kawal sa paanan ni Marikit ang kanyang nahuling malaking usa.
Ipinagtapat ni Marikit kay Batumbakal ang babalang unos na gagawin ni Kapitan Cortes.
"Aking mahal, kaaalis lamang ng mga Puting Dayuhan. Ako raw ay kanilang aagawin sa iyo. Mabuti'y makipanayam ka kay Ama, at itanong mo kung ano ang mabuting gawin."
"Huwag kang magulumihanan aking Mutya. Ako ang bahala. Ako ay patutungo sa dakilang hari, ngayon din."
Ipinaliwanag ni Gat Pulintan kay Batumbakal ang nais na pananakop ng mga Kastila, ang pagkakalat ng bagong pananampalataya at saka ang pagbibigay sa mga dayuhan ng sapilitang buwis na kanilang hinihingi sa bawa't tag-ani.
"Ako po'y naparito at nasabi nga sa akin ni Marikit ang bagay na iyan. Ano po ang ating mabuting gawin?"
Ang Matandang Balangay ay nagpatuloy, "Ako ay tumutol. Hindi ko matatanggap ang pagsamba sa ibang Diyos. Aking ipaglalaban ang ating balangay. Tayo ay malakas at malaya. Hindi dapat kamkamin ng mga dayuhan ang ating lupa at kayamanan. Iniutos ko sa lahat ng raha't lakang aking nasasakupan na humanda sa pakikilaban. Ngayon din ay ihatid mo ang iyong mga kawal."
Naghanda ang Kumintang. Ang bawa't kawal at alipin pati ang mga maharlika'y nagsipaghasa ng kampilan. Ang lahat ng balangay na kalapit, sakop at kampi ay nangaghandang makipanalasa.
Pinatalibahan ni Batumbakal ang paligid ng balangay. Pinatibay ang buong moog. Binakuran ang kuta ng naglalakihan at nagtataasang mga "batang" niyang mga piling haligi ng kagubatan.
Nang lumusob ang mga Kastila, hindi nila masalakay ang matibay na moog na napapaligiran ng mga trosong batang. Bukod dito, ang mga busog na makamandag na galing sa pana ng mga Negritong Pansipit ay nangagsalimbayan. Pinagtutudla ang mga taong mangangamkam. Walang magawang pagsalunga ang mga Kastila. Minsan pang ipinakilala ni Gat Pulintan na ang kanyang balangay ay makapangyarihan at walang dayuhang makasasakop.
Ang buong balangay ay nagsaya pagka't lumayas ang mga Kastila. Mula noo'y di na sila ginambala minsan man. Bilang pagpapasalamat, sila'y nagparangal at tuloy pinag-isang-dibdib sina Batumbakal at Marikit. Ang ngalang Kumintang ay pinalitan ng Batangan, na ang kahuluga'y lunang tinutubuan ng mga batang, ang matibay na punong kahoy na nag-adya sa balangay.
Ang Batangas ngayon ay pinamumuhayan ng lipi nina Batumbakal at Marikit. Sila'y mamamayang ang damdamin ay kasintigas ng mulawin at batang. Isa sa walong silahis ng araw na tampok ng ating watawat. Ang mga binata ng Batangas ay may loob na kasintigas ng kay Batumbakal at ang mga dalaga'y may pusong kasinghinhin ng kay Marikit.
No comments:
Post a Comment