Monday, 27 April 2020

Alamat ng Lindol



Noong unang panahon, may isang higanteng naninirahan sa isang malaking kweba sa mga lalawigang Bulubundukin. Siya si Indol. Titingalain mo siya sa tangkad niya. Katatakutan mo siya sa napakalaking pangangatawan niya. Lubos na mapang-api si Indol. Kung ikaw ay kaiinisan ay bubuhatin at ibabalibag ka niya. Masuwerte ka kung sa putikan ka babagsak. Kung sa batong nakausli ay magkakabali-bali ang iyong kaawa-awang katawan. Nakikisama na lahg ang mga tao kay Indol. Sa takot nilang mapaaga ang kamatayan ay pumapayag na silang paalipin sa buhong na dambuhala.



Araw-araw ay dinadalhan si Indol ng mga usang napapana, baboy-damong nasisibat, prutas na nasusungkit at mga gulay na naaani. Kailangang laging maraming handog sa mesang kainan ang mga tao upang hindi mag-alboroto sa galit si Indol.

"Ako ang pinakamakapangyarihan dito!" sigaw niya sa mga nanginginig pang nagsipaghandog. "Lahat ng maibigan ko ay kailangang sundin ninyo! Wala akong kinatatakutan. Babaliin ko ang leeg ng sinumang hindi magdala ng handog sa aking hapagkainan. Lahat ng masasarap na pagkain ay dapat ninyong ibigay sa akin. Ako ang bathala ninyo dito sa bulubundukin. Kapag sumuway kayo ay makikita ninyo ang hinahanap ninyo! Gigibain ko ang mga tirahan ninyo at ibabalibag ko kayo mula sa pinakamatarik na bundok dito!"

Nangangalog ang mga baba ng mga tao nang humalakhak nang malakas ang higanteng abusado.

Isang gabi ay bumuhos ang malakas na ulan. Matatalim na kidlat ang gumuhit sa kalawakan na sinundan ng nakatutulig na dagundong ng kulog. Noon lamang nakakita ng ganoong katatalim na kidlat ang mga mamamayan. Kahit nakasara ang mga bintana ay nagliliwanag pa rin ang mga kidlat sa mga butas nilang dingding.

Sa bawat kislap ng kidlat ay nagtatalukbong sila ng kumot. Kung takot sila sa higante ay higit silang takot sa kislap ng kidlat na sa tingin nila ay tatama sa kanila sa isang iglap. Nagsipagdasal sila sa kanilang mga anito upang papalayuin ang matatalim na kidlat.

Nang hutnupa ang malakas na ulan ay nakarating kay Indol ang labis na pagkatakot ng mga mamamayan.



"Ako lang ang dapat nilang katakutan!" galit na sigaw ng naiinggit na higante. Sa sobrang pagkainis ay hinintay na muli ni Indol ang malakas na pag-ulan. Matagal siyang naghintay. Lumabas siya sa kweba nang bumuhos ang malakas na ulan. Nang makita niya sa kalawakan ang pagguhit ng matatalim na kidlat ay hinabol niya ang mga ito. Nababali ang mga punungkahoy na kaniyang natitisod. Nagkakagiba-giba ang mga bahay ria kaniyang nasasagi. Nangamamatay ang mga baboy-damong kanyang natatapakan. Takbo rito. Takbo roon. Pero kahit anong bilis ang gawin ay wala ring saysay. Hindi niya mahuli kahit isa man lang sa mga kidlat na kumikislap sa kaitaasan.

Sa sobrang galit ay lalong binilisan ni Indol ang paghabol. Sa kasamaang palad ay napatid ang paa niya sa isang nakatumbang puno ng mangga at nahulog siya sa isang malalim na hukay. Pinilit ni Indol na makaahon sa hukay pero lagi siyang dumudulas sa mga batong tinutuntungan. Sa tuwing magpipilit siyang sumikad at lumundag ay yumayanig ang lupa na ikinahihilo ng mga tao sa kanilang bahay.

"Si Indol yan na nahulog sa hukay. Nagdadadamba siguro kaya para tayong idinuduyan."

Sinasabing hanggang sa kasalukuyan ay naroroon pa rin sa malalim na hukay si Indol. Kapag nababasa ito ng ulan ay nagpipilit itong makaahon. Kapag nadudulas sa mabatong hukay ay nagdadadamba ito. Kapag naramdaman na ng mga tagabundok ang idinuduyang kapaligiran ay sasabihin na nilang:

"Si Indol... si Indol." na nang lumaon ay naging Lindol! Lindol!

Sa kasalukuyan, kapag umuuga ang lupang

kinatatayuan natin o kinatitirikan ng bahay natin ay sumisigaw din tayo:

"Lindol! Lindol! o Lumilindol! Lumilindol!"

Sa mga lalawigang bulubundukin nagsimula ang alamat ng Lindol.


No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...

Translate